Nanawagan si Transportation Secretary Jaime Bautista sa Land Transportation Office (LTO) na higpitan ang pagpapatupad ng mga regulasyon sa kaligtasan sa kalsada.
Ito ay upang mabawasan ang mga aksidente at masiguro ang kaligtasan ng lahat ng gumagamit ng kalsada.
Sa isang pagpupulong kasama ang mga regional director ng LTO ngayong araw, hinamon ni Secretary Bautista ang mga ito na bawasan ang bilang ng mga aksidente sa kalsada sa kani-kanilang nasasakupan.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), tumataas ang bilang ng mga aksidente sa kalsada sa buong bansa.
Mula sa halos 8,000 na namatay noong 2011, ito ay tumaas sa mahigit 11,000 noong 2021.
Tinatayang 12,000 na mga Pilipino naman ang namamatay kada taon dahil sa aksidente sa kalsada.
Kaugnay nito, nagpapatupad ang Department of Transportation (DOTr) ng mga programa alinsunod Philippine Road Safety Action Plan kabilang dito ang road safety management, safer roads, safer vehicles, safe road users, at post crash response. | ulat ni Diane Lear