Binigyang diin ng liderato ng Kamara na mananatiling prayoridad ng pamahalaan ang lokal na mga magsasaka ng bigas.
Sa gitna ito ng pangamba ng ilang grupo na mauwi sa pagbaha ng imported na bigas sa merkado ang bagong polisiya ng administrasyon na ibaba ang taripang ipinapataw sa inaangkat na bigas.
Sa pulong balitaan, ipinaliwanag ni Speaker Martin Romualdez na taripa lang naman ang ibinaba at nananatili pa rin ang limitasyon sa dami ng aangkating bigas.
Sabi pa ng lider ng Kamara na ang local rice producers ang bibigyang prayoridad ng pamahalaan kaya tuloy-tuloy din ang tulong sa kanilang sektor.
Sa panig naman ni House Committee on Agriculture and Food Chair Mark Enverga, nasa kapangyarihan ng Department of Agriculture na tiyaking walang pag-aangkat ng bigas na mangyayari sa panahon ng anihan. | ulat ni Kathleen Jean Forbes