Naglagay ang Quezon City LGU ng 20 karagdagang air quality sensors sa iba’t ibang bahagi ng lungsod.
Layon ng inisyatibong ito na masubaybayan ang kalidad ng hangin at maprotektahan ang kalusugan ng mga residente.
Ang mga datos na makukuha mula sa mga sensor na ito ay gagamiting basehan para sa pagbuo ng mga polisiya at proyekto na tutugon sa problema ng polusyon sa hangin.
Ayon kay Mayor Joy Belmonte, ang mga air quality sensor ay inilagay sa mga paaralan, kalsada, ospital, simbahan, at maging sa mga industriyal, komersyal, at residential area.
Dagdag pa ng alkalde, ang paglalagay ng mga air quality sensor ay alinsunod sa Air Quality Management Plan ng lungsod na bahagi ng commitment ng Quezon City sa C40 Clean Air Cities accelerator.
Sa kasalukuyan, mayroon nang 40 non-reference air quality monitoring sensors at isang reference station ang lungsod. | ulat ni Diane Lear