Tututulan ng Department of National Defense (DND) ang anumang hakbang na ilipat sa kustodiya ng Armed Forces of the Philippines (AFP) si Pastor Apollo Quiboloy.
Ang pahayag ay inilabas ni DND Spokesperson Dir. Arsenio Andolong kaugnay ng paghahain sa hukuman ng kampo ni Quiboloy ng motion to transfer custody mula sa Philippine National Police (PNP) patungo sa AFP.
Sa pahayag ng DND, binigyang diin ni Andolong na ang mga pasilidad ng AFP ay sumusunod sa striktong operational security protocols.
Dahil dito, sinabi ni Andolong na ang AFP ay hindi ang tamang ahensya na paglagyan ng mga suspek sa kriminal na kaso.
Si Quiboloy na nahaharap sa kasong qualified human trafficking, at sexual and child abuse, kasama ang kanyang apat na kapwa-akusado ay kasalukuyang naka-piit sa PNP custodial Center sa camp Crame.| ulat ni Leo Sarne