Pinapurihan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang hanay ng Philippine National Police (PNP) sa pagkaka-aresto kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) Founder Apollo Quiboloy.
“I have to commend our PNP. This is police work at its best. This is what the PNP can do ‘pag led well at maganda ang ating pagkakaunawa at pag-coordinate sa iba’t ibang ahensiya. But this is what policemen do. They go after and enforce court orders and go after those who have been, those who have had cases filed against them.” -Pangulong Marcos Jr.
Sa media interview sa Taguig City, sinabi ng Pangulo na police work at its best ang ipinamalas ng PNP mula noong unang inihain ang warrant of arrest sa pastor hanggang sa ganap na paglutang nito sa mga otoridad.
Nakita aniya ng mga Pilipino ang dedikasyon ng mga pulis, at pagsunod sa instruction sa kanila na huwag umalis sa compound hangga’t hindi nakukuha si Quiboloy.
At ito mismo ang ginawa ng PNP.
“At nakita natin desidido ang ating mga pulis at ang instruction ko sa kanila itong last time, sinabi ko “pagpasok natin, huwag na kayong aalis diyan hangga’t makuha na ninyo siya.” And that’s exactly what they did. Nakita niyo naman.” -Pangulong Marcos Jr.
Pinapurihan rin ng Pangulo ang mahigpit na koordinasyon ng PNP sa iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan, intel services, at iba pa.
Sabi ng Pangulo, posible rin na hindi pagsuko ang ginawa ni Quiboloy dahil umano sa pag-alala nito sa kapakanan ng mga miyembro ng KOJC.
“Ang pagkaintindi ko ang pag-surrender, ‘pag sinabing surrender, I don’t know maybe the legalist can explain this, ngunit ang pagkaintindi ko, ang surrender kapag wanted ka, ang surrender pupunta ka sa police station o sa ewan ko, sa prosecutor, I don’t know kung saan. To an official authority, sasabihin “nagsu-surrender na ako, alam ko may court order, may arrest order na ako, kaya’t magsu-surrender na ako.” -Pangulong Marcos.
Aniya, napilitan na lamang itong lumutang lalo’t malapit o napapaligiran na sila ng mga PNP personnel.
“Hindi ganyan ‘yung nangyari. Ang nangyari napilitan siyang lumabas dahil malapit na ang pulis sa kanya. To his credit, ang sabi niya ‘yung mga follower niya magpapakamatay para sa kanya at ayaw niyang mangyari ‘yun. So to his credit, he was still displaying a modicum of leadership to his followers.” -Pangulong Marcos | ulat ni Racquel Bayan