Nakaalerto na ang Manila Electric Company (MERALCO) para sa pagtugon nito sa mga lugar na nasa ilalim ng kanilang franchise area na maaapektuhan ng bagyong Nika.
Ayon kay MERALCO Spokesperson, Joe Zaldarriaga, nakabantay 24 oras ang kanilang mga tauhan para agad rumesponde sa mga lugar na maaapektuhan ng bagyo upang maibalik sa lalong madaling panahon ang suplay ng kuryente.
Kasunod nito, pinaalalahanan din ni Zaldarriaga ang kanilang mga customer hinggil sa mga dapat alalahanin upang maging ligtas sa panahon ng sakuna.
Una, tiyaking nakapatay ang linya ng kuryente sa bahay o ang main circuit breaker at tiyaking tuyo ang kamay bago humawak ng linya.
Tanggalin sa saksakan ang mga appliance at alisin din ang mga bumbilya.
Gumamit ng guwantes at sapatos na gawa sa goma kung mag-aalis ng naputikang circuit breaker, fuse at mga saksakan upang hindi makuryente sakaling grounded ang mga ito.
Siguruhin ding lisensyadong electrician ang kukunin para suriin ang mga nabasang saksakan, at wiring sa bahay bago ito gamiting muli. | ulat ni Jaymark Dagala