Itinalaga ni Pope Francis bilang bagong auxiliary bishop ng Melbourne, Australia ang isang Paring Pinoy, sa ngalan ni Fr. Rene Ramirez, isang Rogationist missionary priest mula sa Gapan City, Nueva Ecija.
Ayon sa isang ulat na inilathala ng CBCPNews, Si Fr. Ramirez, 55-anyos, ay kasalukuyang nagsisilbi bilang parish priest ng St. Mel at St. Malachy sa Shepparton.
Nagtapos siya ng pilosopiya sa Adamson University sa Manila at may master’s degree sa educational management mula sa De La Salle University, dagdag pa ang licentiate in spirituality mula sa Pontifical Gregorian University sa Roma.
Itinalaga siyang pari noong 1998 at mula noon ay naging aktibo sa iba’t ibang tungkulin sa simbahan, kabilang ang samu’t saring tungkulin sa seminaryo ng Rogationist Fathers sa Cavite at Parañaque.
Siya ay naglingkod din bilang parish priest sa Holy Family sa Maidstone-Braybrook, sa Melbourne, bago ang kanyang kasalukuyang assignment.
Hinirang si Fr. Ramirez, kasama ni Fr. Thinh Nguyen ng Vietnam na kapwa tutulungan si Archbishop Peter Comensoli sa pamumuno sa Archdiocese ng Melbourne, na may humigit-kumulang 1.2 milyong Katoliko.
Ang kanilang ordinasyon ay nakatakdang gaganapin sa February 1, 2025, sa St. Patrick’s Cathedral sa Melbourne. | ulat ni EJ Lazaro
📸 CBCP News/Archdiocese of Melbourne