Inaresto katuwang ng Philippine Coast Guard (PCG) ang tatlong Pilipino at dalawang Indonesian sa ilegal na pag-transport ng mga ito ng mga buhay-ilang sa karagatang sakop ng Governor Generoso, Davao Oriental.
Ayon sa ulat, nakipagtulungan ang PCG sa Municipal Police Station at LGU ng Governor Generoso upang maisagawa ang operasyon, alinsunod sa Republic Act 9147 o Wildlife Protection Act.
Nag-ugat ang insidente matapos magbigay ng impormasyon si Barangay Kagawad Ronald Matinao ukol sa kahina-hinalang motorized banca sa Barangay Pundaguitan. Nang maharang ito, nadiskubre ang undocumented wildlife na kinabibilangan ng 27 na Mollucan Cockatoos, 21 na Rainbow Lorikeets, 26 na Red Lories, at mga marsupial tulad ng Northern at Common Spotted Cuscus.
Dinala ang mga suspek sa Montserrat Fish Port para sa imbestigasyon, habang ang mga hayop ay itinurn-over sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) para sa tamang pangangalaga. Patuloy namang iniimbestigahan ang naturang bangka.
Ayon sa Coast Guard District Southeastern Mindanao, pinapatibay ng operasyon ang kanilang kampanya laban sa illegal wildlife trafficking at pagprotekta sa mga endangered species. | ulat ni EJ Lazaro