Naghahanda ng Department of Tourism (DOT) para sa paparating na pag-host ng Pilipinas sa gaganaping inaugural Terra Madre Asia Pacific sa Lungsod ng Bacolod, Negros Oriental, sa susunod na taon.
Ito ang inanunsyo ni Tourism Secretary Christina Garcia Frasco sa 2nd Terra Madre Visayas regional hosting na ginanap noong Huwebes, Nobyembre 21.
Ang Terra Madre ay bahagi ng Slow Food Movement, isang pandaigdigang inisyatibo na layuning pangalagaan ang kultura at tradisyon sa pagkain, itaguyod ang sustainable tourism, at hikayatin ang mas malalim na pag-unawa sa ugnayan ng pagkain sa kultura, kalikasan, at ekonomiya.
Ayon kay Frasco, malaking hakbang ito para sa adbokasiya ng DOT na gawing international gastronomic hub ang Pilipinas sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. Aniya, ang hosting na ito ay patunay na kaya ng Pilipinas na maging sentro ng gastronomy tourism sa Asya.
Samantala, pinasalamatan ni Negros Occidental Governor Eugenio Jose Lacson ang DOT sa pagbibigay-pugay sa kanilang lokal na pagkain at kultura, habang ikinatuwa rin ng Bacolod City Mayor Alfredo Abelardo Benitez ang karangalang maging host ng Terra Madre Asia Pacific.
Ang Terra Madre Asia Pacific 2025 ay inaasahang magpapalakas hindi lamang sa turismo ng bansa, kundi pati na rin sa kabuhayan ng maliliit na magsasaka, mangingisda, at food artisans sa buong rehiyon.| ulat ni EJ Lazaro