Inilaan ng Department of Labor and Employment (DOLE) Bicol ang tinatayang halaga na ₱210 milyon para sa TUPAD emergency employment program upang tulungan ang mga manggagawang naapektuhan ng mga nagdaang bagyo sa Camarines Sur.
Ayon kay DOLE Bicol Regional Director Imelda Gatinao, may 3,463 benepisyaryo mula sa mga bayan ng Lupi, Milaor, Pasacao, San Fernando, Bombon, Canaman, Sangay, at San Jose ang nakatanggap na ng kanilang sahod na ₱3,950 matapos ang 10 araw ng pagtatrabaho sa rehabilitasyon ng mga komunidad doon.
Umabot naman sa ₱14.6 milyon ang nasabing halaga na naipamahagi na kabilang ang ₱13.6 milyon para sa sahod at ₱983,000 para sa personal protective equipment. Sinabi ni RD Gatinao na mahalaga ang sama-samang pagkilos para sa tuloy-tuloy na pagbangon.
Ang Tulong Panghanapbuhay Para sa Ating Disadvantaged Workers (TUPAD) Program ng DOLE ay nag-aalok ng emergency employment para sa mga mahihirap na manggagawa o disadvantaged workers na nagbibigay-daan sa kanila upang makisali sa gawaing pangkomunidad kung saan dito ay sasahod sila batay sa minimum wage na itinakda sa kanilang rehiyon. | ulat ni EJ Lazaro