Tinatayang aabot sa 150,000 na mahihirap na pamilya ang makikinabang sa nakumpiskang frozen mackerel ng Bureau of Customs (BOC) noong Oktubre nitong taon.
Ayon sa pamahalaan, handang ipamahagi ang mga frozen isda sa iba’t ibang local goverment units sa Metro Manila, Bulacan, at Cavite ngayong linggo.
Aabot sa 21 container vans ng frozen mackerel, na nagkakahalaga ng P178.5 milyon, ang nasamsam ng BOC mula sa Pacific Sealand Foods Corporation dahil sa kakulangan ng mga kinakailangang permit.
Dahil dito, imbes na masayang ay napadesisyonan na ipamahagi na lamang ang mga nasabing isda sa mga pamilyang Pilipino.
Matapos ang pagsusuri, kinumpirma ng BFAR na ligtas ang mga isda para sa human consumption. Ngayong ika-14 ng Disyembre, isinagawa ang turnover ceremony sa North Harbor, Manila, bilang hudyat ng distribusyon ng mga isda sa 17 lungsod sa Metro Manila at piling lugar sa Bulacan at Cavite.
Ngayong araw din personal na nanguna sa distribusyon si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Baseco sa Maynila kasama ang iba’t ibang kawani ng pamahalaan mula Manila LGU, Department of Social Welfare and Development (DSWD), at Department of the Interior and Local Government (DILG).
Maliban dito, makikinabang din ang ilang city jails, pampublikong ospital, at iba’t ibang care facilities.
Ibinida naman ng Pangulo ang ilang hakbang ng gobyerno upang labanan ang smuggling na dahilan umano ng pagtaas ng ilang bilihin sa merkado.| ulat ni EJ Lazaro