Suportado ng Private Sector Advisory Council (PSAC) ang bagong batas na nilagadaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magkakaloob ng value added tax refund sa mga non-resident tourist.
Ayon sa PSAC, kabilang ito sa kanilang naging rekomendasyon na magkaroon ng VAT refund upang maenganyo ang mga tourist na mamili sa bansa at maiposisyon ang Pilipinas bilang premier global destination.
Sinabi ni PSAC lead convenor, at Aboitiz Group President and Chief Executive Sabin Aboitiz, ang naturang batas ay bunga ng kolaborasyon sa pagitan ng gobyerno at private sector.
Pinuri rin ni Aboitiz ang kongreso sa mabilis na pagsasabatas ng isa sa mga rekomendasyon ng PSAC na ‘Quick Wins’ para kay Pangulong Marcos Jr.
Ang VAT refund program ay magpapalakas sa pandaigdigang competitiveness ng Pilipinas, humimok ng paglago ng ekonomiya, at lilikha ng mga trabaho sa pamamagitan ng paghikayat ng mas mataas na paggastos sa mga lokal na produkto at serbisyo. | ulat ni Melany Reyes