Wala pang alas-8 ng umaga, may mga namimili na ng ₱40 kada kilong bigas sa Kadiwa ng Pangulo kiosk sa Kamuning Market sa Quezon City.
Karamihan sa mga namili ng maaga, sinadya raw talagang hanapin ang Kadiwa ng Pangulo kiosk matapos itong mabalitaan kahapon.
Isa rito si Mary Grace na bumili ng limang kilong bigas dahil nais niya raw matikman ito.
Si Kuya Noel naman, 10 kilo pa ang binili. Aniya, dahil sa malaking natipid sa bigas, may dagdag budget pa ito para mas masarap ang ulam nila ngayon.
Ayon naman kay Mang Javier, ang rice retailer na siya na ring nangangasiwa sa bentahan ng Kadiwa rice, mabenta simula pa kahapon ang ₱40 kada kilong bigas.
Katunayan, naubos raw agad ang nasa 30 bags ng bigas na unang ibinagsak sa kanila ng Food Terminal Incorporated (FTI).
Dahil wala ring limit sa pagbili, may mga consumer na kaban-kaban ang binili sa Kadiwa kahapon.
Umaasa naman si Mang Javier na magtuloy-tuloy ang pagsusuplay ng DA ng murang bigas para manatili ang abot-kayang presyo nito sa mga mamimili. | ulat ni Merry Ann Bastasa