Pinapurihan ng Department of Education (DepEd) si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa paglagda nito sa Republic Act 12076 o ang Ligtas Pinoy Center Act.
Layon nito na atasan ang mga lokal na pamahalaan na magtatag ng gusaling nakalaan lamang bilang evacuation centers, na masisilungan ng mga nasasakupan nito sa panahon ng kalamidad.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, welcome sa kanila ito lalo’t mabibigyang pagkakataon na ang mga paaralan na magamit agad ng mga mag-aaral, 15 araw matapos ang sakuna.
Sa kasalukuyan kasi ani Angara, nababalam ang operasyon ng mga paaralan dahil ginagamit ito bilang evacuation centers, kaya’t maituturing nila itong game-changer.
Kung may hiwalay na evacuation centers ang bawat lugar sa bansa, mapabibilis ang pagbangon ng mga apektado lalo na ang mga estudyante upang maipagpatuloy ng mga ito ang kanilang pag-aaral.
Sa ilalim ng batas, itatayo ang evacuation centers sa mga ligtas na lugar at malayo sa danger zone na may patnubay mula sa geohazard maps ng Mines and Geosciences Bureau, PHIVOLCS at PAGASA. | ulat ni Jaymark Dagala