Pinamunuan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pagpapakawala ng Philippine Serpent Eagle sa natural nitong tahanan sa Cogon Eco-Tourism Park sa Dipolog City, Zamboanga del Norte kamakailan.
Nakita ng isang concerned citizen ang nasabing agila sa isang warehouse sa naturang lungsod, kung saan itinurn-over ito sa Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) ng Zamboanga del Norte.
Napag-alaman na nasa maayos na kondisyon ang na-rescue na agila matapos sumailalim sa check-up ng Dipolog City Veterinary Office.
Pinangasiwaan ng mga tauhan ng DENR, katuwang ang staff ng naturang eco-park, ang pagpapakawala ng Philippine Serpent Eagle nang masiguro nilang handa na itong pakawalan sa natural nitong tahanan.
Pinasalamatan ng DENR ang responsableng indibidwal na nakakita at nag-rescue sa nasabing agila, at ang mga dedikadong propesyonal na sinigurong ligtas at nasa maayos na kondisyon ang agila bago ito pinakawalan. | ulat ni Justin Bulanon | RP1 Zamboanga