Irerekomenda ng Benefits Committee sa En Banc ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na maisama sa health package ang salamin sa mata ng mga batang may edad 5 hanggang 6.
Ayon kay Dr. Albert Domingo, tagapagsalita ng DOH, dumarami na ang bilang ng mga batang Pilipino na may problema sa mata na nangangailangan ng agarang tulong.
Dahil may kataasan ang gastos sa pagpapagawa ng salamin sa mata, naisip ng Benefits Committee ng PhilHealth na isama ito sa Health Benefits Package.
Bukod sa salamin sa mata, inaprubahan din ng komite ang pagsusuri at operasyon sa katarata ng mga pasyenteng bata.
Inendorso din ng komite ang mga panukala na taasan ang package rate para sa coronary artery bypass graft surgery, pagsasara ng ventricular septal defect, at VSD na may aortic stenosis, at kabuuang pagwawasto ng Tetralogy of Fallot. | ulat ni Mike Rogas