Ngayong araw, December 6, 2024, ang shear line ay makakaapekto sa silangang bahagi ng Hilagang Luzon, habang ang northeast monsoon ay nararanasan sa Extreme Northern Luzon, ayon sa PAGASA.
Sa Cordillera Administrative Region, Cagayan, at Isabela, makakaranas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog dulot ng shear line. Pinag-iingat ang mga residente sa posibleng flash floods o landslides dahil sa katamtaman hanggang sa minsang malalakas na pag-ulan.
Sa Batanes, maulap ang kalangitan na may mahihinang ulan dulot ng northeast monsoon, ngunit walang inaasahang malaking epekto.
Samantala, ang Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa ay makararanas ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may pulu-pulong pag-ulan o pagkidlat-pagkulog dulot ng localized thunderstorms. Pinapayuhan ang publiko na mag-ingat sa posibleng flash floods o landslides sa panahon ng matitinding pag-ulan.
Sa Hilagang Luzon, inaasahan ang katamtaman hanggang sa malakas na hangin mula sa hilagang-silangan, na magdudulot ng katamtaman hanggang maalon na karagatan. Sa natitirang bahagi ng bansa, bahagya hanggang katamtaman ang hangin at alon.
Patuloy na mag-monitor ng mga updates mula sa PAGASA para sa kaligtasan ng lahat. | ulan ni Emmanuel Bongcodin | RP1 Albay