Sa unti-unti at patuloy na pag-recover mula sa mga naranasang kalamidad, tutulungan ngayon ng World Food Programme (WFP) ang mga pamilyang matinding naapektuhan ng pananalasa ng mga magkakasunod na bagyo sa Lambak-Cagayan.
Isinagawa ang pagpipirma sa Data Sharing Agreement sa pagitan nina Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 2 Director Lucia Alan at WFP Country Director Regis Chapman para sa pamamahagi ng cash assistance sa mga apektado sa Hilagang Luzon.
Sa pamamagitan nito, matutukoy ang mga inaasahang benepisyaryo sa pagtulong ng naturang international organization, partikular na ang mga pamilyang kabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na may anak na apat na taon pababa.
Ang mga ito ay yaong nasa itinuturing na ‘most affected’ at ‘hardest-hit’ na mga bayan at siyudad.
Ang inisyatibang ito ay bahagi ng proposal ng World Food Programme na makapamahagi ng tulong direkta sa mga benepisyaryo ng 4Ps na labis na nahirapan dahil sa maraming dumaang bagyo. Didiretso sa transaction accounts ng mga benepisyaryo ang tulong para matiyak ang mabilisan at episyenteng distribusyon ng financial assistance.
Ang pagpapalawak pa sa inisyatibang ito ay kasunod ng pagtulong ng organisasyon sa mga naapektuhan din ng kalamidad sa Bicol Region, kung saan matagumpay nilang naisagawa ang naturang cash-based transfer initiatives. | ulat ni April Racho | RP1 Tuguegarao