Sinalakay ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Cavite Provincial Field Unit at Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang Elijosh Resort sa Barangay Lalaan 2, Silang, Cavite.
Ayon kay PNP Chief PGen. Rommel Francisco Marbil, nag-ugat ang operasyon matapos magreklamo ang may-ari ng resort noong November 2024 kaugnay ng kahina-hinalang aktibidad ng mga dayuhan sa lugar.
Iniulat naman ni Acting CIDG Director PBGen. Nicolas Torre III na nagresulta ito sa pagkakaaresto ng 29 indibidwal. Sa bilang na ito 23 ang Chinese nationals at 6 ang Myanmar nationals ang sangkot sa ilegal na POGO operations.
Nasamsam mula sa mga ito ang gambling paraphernalia, computer sets, at laptops na ginagamit sa online gaming activities.
Kasalukuyang nasa kustodiya na ng PAOCC ang mga naarestong dayuhan habang inaayos ang kanilang deportation. | ulat ni Diane Lear