Sinaluduhan, binigyang pugay at parangal ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff, General Romeo Brawner Jr. ang mga tropa ng 32nd Infantry Battalion ng Philippine Army na nasugatan sa pananambang sa Basilan, kamakalawa.
Kasunod nito, ginawaran ng AFP Chief ng “Medalya ng Sugatang Magiting” ang 12 Sundalong nasugatan matapos namang mauwi sa engkuwentro ang pananambang sa kanila ng mga hinihinalang miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Ginawa ito ni Brawner kasabay ng kaniyang pagbisita sa Western Mindanao Command (WESMINCOM ), kung saan tiniyak nito ang buong suporta maging ito man ay medikal o pinansyal.

Kasama ng AFP Chief sa kaniyang pagbisita sina WESMINCOM Chief, Lieutenant Gen. Antonio Nafarrete; 11th Infantry Division Commander, Major Gen. Leonardo Peña at 101st Brigade Commander, Brigadier Gen. Alvin Luzon.

Kasunod nito, tiniyak ni Brawner na kanilang gagawin ang lahat upang maibalik sa normal ang sitwasyon sa lugar at matugunan ang ugat ng mga nangyayaring gulo sa ilalim ng mga umiiral na batas at peace mechanism. | ulat ni Jaymark Dagala