Pinaigting ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang kolaborasyon nito sa Ministry of Agriculture, Fisheries, and Agrarian Reform (MAFAR) para palakasin ang mga repormang agraryo sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Sa kauna-unahang Joint DAR-MAFAR Coordinating Committee Meeting nitong Huwebes, January 16, 2024, tinalakay ang mga hakbang na nakatuon sa pamamahagi ng natitirang balanse ng Land Acquisition and Distribution (LAD).
Ang target ng LAD ay sumasaklaw sa 113,917.89 ektarya ng lupang agricultural na makikinabang ang 67,777 agrarian reform beneficiaries (ARBs).

Bukod sa pamamahagi ng lupa, tinalakay din sa pulong ang pagbibigay ng suportang serbisyo sa mga magsasaka at pagpapatupad ng agrarian justice.
Binigyang-diin ni DAR’s Office for Mindanao Affairs Undersecretary Amihilda Sangcopan, ang kahalagahan ng sama-samang pagsusumikap ng dalawang ahensya para sa epektibong pagpapatupad ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) sa naturang rehiyon. | ulat ni Merry Ann Bastasa