Muling tiniyak ng Pilipinas at Amerika ang matatag at matagal nang ugnayan partikular na sa aspeto ng seguridad gayundin sa depensa.
Ito’y makaraang makipagpulong si Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto Teodoro Jr. kay Mike Waltz, ang bagong National Security Adviser ng Amerika sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Donald Trump.
Ayon kay DND Spokesperson, Director Arsenio Andolong, kasama sa pulong sina Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez. Dagdag pa ni Andolong, ang pulong ay alinsunod sa atas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pakikipag-ugnayan naman kay National Security Adviser Secretary Eduardo Año.
Ginawa ang pulong dalawang araw matapos na muling maluklok sa puwesto si President Trump sa ikalawang termino nito, kung saan si Teodoro ang kumatawan kay Pangulong Marcos sa inagurasyon ni Trump. | ulat ni Jaymark Dagala