Muling umapela ang Department of Environment and Natural Resources National Capital Region (DENR-NCR) sa publiko na maging responsable sa pagtatapon ng basura.
Ito ay sa gitna ng puspusang paglilinis na isinasagawa ng ahensya sa mga pangunahing estero sa Metro Manila.
Huling nilinis ng DENR Metropolitan Environmental Office – West ang bahagi ng Estero De Magdalena sa Binondo, Manila at higit sa 400 sako ng mga basura ang nakolekta.
Anila, magtutuloy-tuloy pa ang kanilang regular clean-up operations sa iba pang estero at mga daluyang-tubig.
Target nito na mapanatili ang kalinisan ng kalikasan at mapigilan ang pagdami ng basura sa waterways sa mga komunidad. | ulat ni Rey Ferrer