Nagsasagawa ng masusing pagsusuri ang Department of Migrant Workers (DMW) kaugnay sa mga alituntunin sa pagpapadala ng mga overseas Filipino worker (OFW) sa Kuwait.
Ito ay matapos masawi ang dalawang OFW sa naturang bansa.
Ayon kay Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, tinitingnan nila ang posibilidad na mas paigtingin pa ang mga patakaran sa deployment ng mga manggagawang Pilipino, partikular na ang mga domestic worker sa Kuwait.
Nabatid na nasawi ang OFW na sina Jenny Alvarado dahil sa coal suffocation nang malason sa usok mula sa heating system sa kaniyang pinagtatrabahuan, at si Dafnie Nacalaban na naiulat na namatay matapos mawala ng dalawang buwan.
Dagdag pa ni Cacdac, kasalukuyang ipinagbabawal ng DMW ang pagpapadala ng first-time OFWs o yung mga walang karanasan sa pagtatrabaho sa ibang bansa.
Ginagawa na rin ng ahensya ang whitelisting at blacklisting ng mga Kuwaiti recruiter, pre-departure briefings, at electronic on-site monitoring.
Samantala, patuloy ang imbestigasyon ng DMW sa mga kaso ng dalawang OFWs at tiniyak ang tulong sa kanilang mga pamilya. | ulat ni Diane Lear