House leader, kinuwestyon ang ₱58 na maximum suggested retail price na ipinataw ng DA sa bigas

Facebook
Twitter
LinkedIn

Dismayado si Deputy Majority Leader Janette Garin sa ipinatupad na ₱58 kada kilo na maximum suggested retail price (MSRP) para sa bigas.

Tanong niya, saang planeta daw kinuha ang naturang halaga na hindi makatotohanan.

Batay anya sa ginawa nilang inspeksyon at konsultasyon sa mga wholesalers sa Bulacan kasama mismo si Agriculture Sec. Francisco Tiu Laurel, kaya maibaba ang presyo ng ₱45 hanggang ₱49 kada kilo.

“Bakit naman si DA may MSRP na ₱58, saang planeta ito nanggaling, Mr. Chair?…How can we control the price of rice when the agency that is supposed to guide us is pegging it at a high price?” tanong ni Garin.

Ani Garin, kung ganito kataas ang itinakdang presyo para sa bigas ay hindi aniya talaga mapapababa ang halaga nito.

Puna pa niya, na sa ilang lugar sa Mindanao at Visayas ay nakakapag benta ng bigas sa halagang P47 hanggang P49.

At kahit aniya patungan pa ito ng gastos sa logistics o markups ay hindi pa rin ito dapat sumobra sa ₱49.

“Kung ang landed cost ay ₱35, maibebenta mo siya ng ₱₱42 to P43. ‘Yung iba namang landed cost ay P39, maibebenta mo siya ng ₱47 to ₱48. Pero siyempre, ‘pag may damage, logistics, aakyat siya, pinakamataas ₱49,” paliwanag niya.

Depensa naman ni Agriculture Usec. Asis Perez na ang naturang halaga ay para tugunan ang mataas na presyo ng bigas sa Metro Manila na naglalaro sa ₱62 hanggang ₱64 kada kilo.

“Linawin ko lang, Mr. Chair, na ‘yung MSRP is a pilot program that will implement only in Metro Manila kung saan may nakikita kami mga presyo na P62, P64, P60,” paliwanag ni Perez

Ngunit nanindigan si Garin na hindi ito ang angkop na solusyon sa problema ng mataas na presyo ng bigas. | ulat ni Kathleen Forbes

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us