Mariing kinondena ng United Nations (UN) Resident at Humanitarian Coordinator sa Pilipinas ang nangyaring pananambang sa mga sundalo sa Sumisip, Basilan kamakalawa.
Sa isang pahayag, sinabi ni UN Resident and Humanitarian Coordinator Gustavo González, na labis niyang ikinalulungkot ang pagkakapaslang sa apat na sibilyan kabilang na ang dalawang sundalo sa Brgy. Lower Cabengbeng.
Kasunod nito, ipinaabot ni González ang taos-pusong pakikiramay sa naulilang pamilya ng mga nasawi gayundin sa mga sundalong nasugatan sa insidente.
Nabatid na nangyari ang insidente habang papunta sana ang mga sundalo sa community engagement ng United Nations Development Programme sa lugar.
Gayunman, sinabi ni González na sa kabila ng pangyayari, walang magbabago sa kanilang pangako na pagsilbihan ang mga taga – Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM). | ulat ni Jaymark Dagala