Arestado sa ikinasang entrapment operation ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) ang 50-taong na lalaki sa Tondo, Maynila.
Kinilala ang suspek na si alias “Ric” na inaresto matapos ireklamo ng 19-taong gulang na babaeng biktima dahil sa umano’y pagpapakalat ng kanilang maseselang video.
Batay sa imbestigasyon ng PNP-ACG, nakilala ng biktima ang suspek sa isang social media platform noong Disyembre.
Ilang beses umanong niyaya ng suspek na makipagtalik ang biktima, ngunit nang tumanggi, nagbanta ang suspek na ikakalat ang mga malalaswang larawan at video nito.
Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa Manila Police District at nahaharap sa mga kasong grave coercion, paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act of 2003, at Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009.
Ayon kay PNP-ACG PIO PLT. Wallen Arancillo, 10 kaso na ng Anti-Photo and Video Voyeurism Act ang naitala mula January 1 hanggang 9 ngayong taon.
Dahil dito, pinaalalahanan ng PNP-ACG ang mga magulang na bantayang mabuti ang mga online activity ng kanilang mga anak. | ulat ni Diane Lear