Hawak na ngayon ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-CIDG) ang isang Malaysian national matapos maaresto sa ikinasang operasyon ng mga awtoridad sa Parañaque City.
Ito’y dahil sa impormasyon na pinamumunuan nito ang isang sindikato na nagsusuplay ng International Mobile Subscriber Identity o IMSI Cather na siyang ginagamit sa text scams.
Katuwang ng PNP-ACG ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC), Bureau of Immigration (BI) at National Telecommunications Commission (NTC) sa naturang operasyon.
Kaninang umaga, nagtungo sa tanggapan ng PNP-ACG sa Kampo Crame sina Department of Information and Communications Technology (DICT) Sec. Ivan John Uy at CICC Executive Director, Usec. Alex Ramos.
Dito, sinabi ni Uy na posibleng magamit sa #HatolNgBayan 2025 ang nahuling IMSI Cather upang magpakalat ng disinformation at misinformation sa pamamagitan ng ‘text blast’.
Nabatid na nagkakahalaga ng P600,000 ang isang IMSI Catcher subalit tumataas ang presyo nito kapag eleksyon. | ulat ni Jaymark Dagala