Pansamantalang isasara ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang ilang kalsada sa Pandacan ngayong araw ng Sabado, Enero 18, simula alas-7:00 ng umaga, para sa pagdiriwang ng Pista ng Sto. Niño.
Kasama sa mga apektadong kalsada ang bahagi ng Jesus St.-Palumpong St., Hilum St., Beata St., E. Zamora St., Laura St., Labores St., Narciso St., Industria St., at Teodoro San Luis St.
Pinapayuhan ang mga motorista na iwasang dumaan sa mga nabanggit na kalsada upang maiwasan ang abala ngayong araw ng Sabado.
Inaabisuhan naman ang mga motorista na gumamit ng alternatibong ruta. Ayon sa Manila Public Information Office, ang mga sasakyan na magmumula ng Mabini Bridge ay maaaring dumiretso sa Quirino Ave. Habang ang mga sasakyan mula Paco-Sta. Mesa Bridge ay maaaring dumiretso rin sa Quirino Ave. Samantala, ang mga mula Paz M. Guazon St. ay maaaring kumanan o kaliwa patungong Quirino Ave. o Mabini Bridge. Ang mga sasakyan mula Dr. M.L. Carreon St. ay maaaring kumanan o kaliwa patungong Laura St. o Tomas Claudio St. | ulat ni EJ Lazaro
