Photo courtesy of Department of Tourism – Bicol
Asahan ang mas maraming turista sa Bicol Region ngayong taon dahil sa mga planong imprastraktura na inilatag ng Department of Tourism – Bicol. Kabilang dito ang pagtatayo ng mga karagdagang Tourist Rest Area at pag-aayos ng pasilidad sa Bicol International Airport.
Ayon kay DOT Bicol Regional Director Herbie Aguas, nakatakdang isagawa ang inagurasyon ng Tourism Rest Area sa San Jose, Camarines Sur ngayong darating na Pebrero at sa Ocampo, Camarines Sur sa mga susunod na buwan. Naglaan din ng pondo para sa pasilidad ng turismo para sa Bicol International Airport.
Mahigpit ding tinutulungan ng DOT Bicol ang hotel owners para sa pagtatayo ng mas maraming resorts, hotel, at iba pang akomodasyon sa rehiyon.
Samantala, nagpaabot ng pasasalamat si Director Aguas kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa muling pagbabalik ng P400 milyong pondo na inalis mula sa branding budget ng DOT.
Sa mas pinaigting na suporta at mga plano ng DOT, inaasahang mas makikilala ang Bicol bilang pangunahing destinasyon sa Pilipinas. | ulat ni Gary Carl Carillo | RP Albay
