Nakakuha ang Department of Finance (DOF) ng US$905.26 milyon o humigit-kumulang P50.67 bilyon na pondo mula sa Export-Import Bank of Korea-Economic Development Cooperation Fund (KEXIM-EDCF).
Ito ay para sa isang mahalagang proyekto ng road network, na magpapalakas ng kakayahang tumugon sa epekto ng climate change para sa mga residente ng Laguna.
May kabuuang halaga na P181.02 bilyon ang itatayong Laguna Lakeshore Road Network Project, isang 37.5-kilometrong expressway na kayang harapin ang epekto ng pagbabago ng klima sa paligid ng Laguna Lake.
Ang proyekto ay makatutulong sa mga komunidad na madalas binabaha.
Tinatayang nasa 3.47 milyong residente ang makikinabang sa naturang proyekto.
Bukod sa pagtugon sa mga hamon ng klima, inaasahang magbibigay-daan ang proyekto sa pagpapalago ng ekonomiya ng Laguna, at mapapabilis ang pag-unlad ng buong rehiyon ng CALABARZON. | ulat ni Melany Valdoz Reyes