Isang makabagong proyektong pang-imprastruktura ang nagbigay-daan sa mas maayos na paglalakbay at pagpapalago ng turismo sa probinsya ng Sorsogon matapos na maisakatuparan ng Department of Public Works and Highways Sorsogon 2nd District Engineering Office (DEO) ang rehabilitasyon ng Bulan-Matnog-Sta. Magdalena-Bulusan Road.
Layunin ng proyektong ito na hindi lamang padaliin ang koneksyon ng mga kalapit na barangay kundi palakasin din ang sektor ng turismo sa rehiyon. Kaya naman mas madaling mararating na ngayon ang mga tanyag na destinasyon tulad ng Bulusan National Park.
Bukod dito, ang proyekto ay naglalaman ng mga safety features tulad ng concrete barriers upang maiwasan ang aksidente, lalo na sa mga lugar na itinuturing na delikado.
Ayon sa DPWH Bicol, aabot sa P96.49 milyong piso ang pondong inilaan para sa Tourism Road Infrastructure Program (TRIP) na nagmula sa GAA 2024 Fund. Kasama rito ang 5.78 kilometrong bagong kalsada at rehabilitasyon ng 3 kilometrong lumang daan. | ulat ni Garry Carl Carillo | RP1 Albay
📷 DPWH Bicol