Nakikiisa si Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada sa panawagan na bigyan ang lahat ng mga senior citizen o ang mga indibidwal na may edad 60 pataas ng buwanang pensyon.
Sa kasalukuyan kasi, tanging ang mga indigent senior citizen lang ang nabibigyan ng P1,000 monthly social pension mula sa DSWD, alinsunod sa RA 7432 o ang Expanded Senior Citizens Act.
Binigyang diin ni Estrada na sa mata ng batas ay pantay-pantay ang lahat at walang dapat na pinipili.
Dahil dito, inihain ng senador ang Senate Bill 2929 na nagpapanukala ng Universal Social Pension na sasakop sa lahat ng mga senior citizen sa bansa, anuman ang estado sa buhay.
Nakasaad dito na ang mga senior citizen na hindi maituturing na indigent ay makakatanggap pa rin ng P500 monthly pension, itataas ito sa 1,000 pesos matapos ang limang taon.
Ayon kay Estrada, hindi lang ito basta financial aid kundi isa ring social protection at pagpapalakas sa nakakatandang populasyon ng bansa.
Layon nitong pagbutihin ang kalidad ng kanilang kalusugan, tiyakin ang social inclusion, at ibalik ang kanilang dignidad, anuman ang kanilang edad o estado sa buhay. | ulat ni Nimfa Asuncion