Suportado ng Philippine National Police (PNP) ang gagawing paglusaw o pagtanggal sa Area Police Command (APC).
Sa pulong balitaan sa Camp Crame, sinabi ni Police Regional Office 3 Director at PNP Concurrent Spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo, batay sa desisyon ng National Police Commission (Napolcom) nadodoble na ng APC ang trabaho ng regional headquarters ng PNP.
Inaprubahan ng Napolcom noong December 27 ang desisyon ng deactivation o paglusaw sa APC bilang special support unit ng PNP.

Kabilang dito ang APC Southern Luzon, Northern Luzon, Visayas, Eastern, at Western Mindanao.
Kaugnay nito nasa 26 na heneral at 158 na second level officers ng PNP ang maaapektuhan.
Gayunman, sinabi ni PBGen. Fajardo, na hindi magkakaroon ng domino effect sa promosyon ng ibang senior officers at ibang opisyal ng PNP mula sa lulusawing APC.
Tiniyak naman ng PNP, na hindi bibiglain ang paglusaw sa APC hangga’t walang malilipatan ang mga maaapektuhang opisyal. | ulat ni Diane Lear