Kapwa sumang-ayon sina dating Customs Commissioners Nicanor Faeldon at Isidro Lapeña na dapat nang mapuksa ang tara system sa Bureau of Customs (BOC).
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Quad Committee, binigyang diin ni Manila Representative Benny Abante na malaking pahirap sa taumbayan ang tara system.
Iinihalimbawa niya ang pagpapalusot ng smuggled commodities na nagpapamahal sa mga bilihin gaya na lang ng bigas.
“Gusto ko lang po po ang sabihin, in manifestation na dahil lang po sa tara system na ito, tumataas ang bilihin ng mga commodities ang mga important goods. Whether it be rice, lahat. Meron pa nga pong rice smuggling. Tumataas po ang bilihin. Kawawa po ang bayang Pilipino, laro na ang mga mahihirap, dahil lang sa tara system na yan. Dapat mahinto na yan. Tama ba ko Commissioner Faeldon?” sabi ni Abante.
“Yes your honor,” tugon ni Faeldon
“Ikaw naman Commissioner Lapena?” sunod na tanong ni Abante
“Yes your honor,” sagot din ni Lapena.
Sa hiwalay na interpelasyon ni House Deputy Minority Leader France Castro, inamin nina Faeldon at Lapena na sa kabila ng mga pagsisikap nilang masawata ang tara system, hirap silang makakuha ng suporta mula sa mga importers.
Sabi ni Faeldon, pinagsumite niya ang nasa 12,000 importers at brokers ng listahan ng mga opisyal ng customs na tumatanggap ng lagay o tara, ngunit hanggang sa ngayon wala aniyang nagpasa.
“For my first six months, I asked the 12,000 importers and brokers to submit to us list of BOC officials that receive Tara. I think until today wala pang nagsasubmit. So it’s a tango. Sayaw ‘tong dalawa. That’s why nakakatakot mam, kasi walang willing na mag-reklamong importer and broker. So that’s why this Tara system continues to exist,” paliwanag ni Faeldon.
Nag-delist na rin siya ng higit 4,000 importers at brokers. Ngunit hangga’t walang tumetestigong importer o broker ay mahihirapan silang makasuhan ang mga sangkot sa tara system.
Mungkahi ni Castro, magsagawa ng mala-buy-bust operation ang customs para mahuli ang mga sangkot sa tara.
Pagbabahagi naman ni Lapeña, ginawa na nila ito noon, ngunit last minute ay biglang umatras ang importer dahil baka maapektuhan aniya ang kaniyang negosyo.
“Actually madam chair and your honor, I did that. And then when we were just about to implement, nag-back out yung subject na mag-tutulong sana sa atin, at the last moment nag-back out eh. And then I confronted the her, sabi niya eh, ‘sir baka yung akong negosyo makumpromiso eh,” sagot ni Lapena. | ulat ni Kathleen Forbes