Sinabi ni Senadora Hontiveros na maituturing na pag-asa para sa mga biktima ng war on drugs na pinatupad ng nakaraang administrasyon ni Dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang pagiging bukas ni Justice Secretary Remulla na makipag-usap sa mga imbestigador ng International Criminal Court (ICC).
Sa isang panayam sa Reuters, sinabi ni Remulla na bukas ang Pilipinas na makipag-usap sa ICC kaugnay ng war on drugs ng Duterte Administration.
Ayon kay Hontiveros, ang pahayag ni Remulla ay nagbibigay pag-asa sa pagkamit ng tunay na hustisya para sa mga biktima.
Umaasa rin ang senadora na kung magkaroon man ng pag-uusap ang pamahalaan at ang ICC ay makikita ng ating gobyerno ang pangangailangan na tumulong sa imbestigasyon.
Aniya, hindi lang ito dahil sa obligasyon natin sa isang tratado kundi para na rin sa mga naiwang pamilya ng mga biktima gaya nina Kian delos Santos, Carl Angelo Arnaiz, Reynaldo “Kulot” de Guzman, at iba pang mga pamilya na matagal nang dumadaing ng hustisya. | ulat ni Nimfa Asuncion