Pinayagan ng Muntinlupa court ang pagpapalabas ng kontrobersyal na “The Rapists of Pepsi Paloma” ng direktor na si Darryl Yap.
Sa desisyong pirmado ni Presiding Judge Liezel Aquiatan ng Muntinlupa Regional Trial Court Branch 205, ‘partially granted’ ang petisyon ng aktor na si Vic Sotto para sa Writ of Habeas Data laban sa nasabing pelikula.
Ngunit sa kaparehong desisyon, bagamat pinabubura ang 26 second teaser video ng pelikula sa lahat ng medium kung saan ito mapapanood ay pinayagan naman ng korte ang pagpapalabas ng buong pelikula.
Hindi naman inilabas pa ng korte ang dahilan kung bakit ipinapatanggal ang naturang video maliban sa malinaw umanong paggamit ng mga datos na hindi maberipika ang pinagmulan.
Nilinaw din ng korte na hindi naman nito maaaring pigilan ang pagpapalabas ng naturang pelikula dahil ito ay base sa buhay ni Paloma kung saan nakuha ng respondent ang pahintulot ng nanay at kapatid nito at nagmula rin sa public records gaya ng newspaper clippings, footages na protektado naman ng artistic freedom at public interest.
Matatandaang nitong January 9 ay nagsampa si Sotto ng 19 counts ng cyber libel laban kay Yap at nagpetisyon sa korte na ipatigil ang pagpapalabas ng teaser video kung saan tahasang sinasabi na ang aktor ang gumasa kay Paloma. | ulat ni Lorenz Tanjoco