Binigyang-diin ni Senate Committee on Basic Education Chairperson at Sen. Sherwin Gatchalian na dapat epektibong ipatupad ang Parent Effectiveness Service Program Act o ang Republic Act No. 11908 na nagbibigay ng mekanismo para tugunan ang mga hamong kinakaharap ng mga kabataan.
Naniniwala si Gatchalian sa kahalagahan ng papel ng mga magulang sa pagpapababa ng bilang ng teenage pregnancies maging ng HIV infections sa bansa.
Aniya, dapat lang na kilalanin ng mga programang ipatutupad ng gobyerno ang papel ng mga magulang at ng mga parent-substitutes para sa pagbuo at pagpapatupad ng mga polisiya na magbibigay ng pangmatagalang epekto sa kapakanan ng mga kabataan.
Sinabi pa ng mambabatas na iimbestigahan ng kanyang komite ang pagpapatupad ng Comprehensive Sexuality Education at kung ito ba ay nakasusunod sa mandato ng Responsible Parenthood and Reproductive Health (RPRH) Act of 2012.
Ipinunto ng senador na ang batas ay mayroong reproductive health education na angkop sa edad at development ng mga kabataan. | ulat ni Nimfa Asuncion