Giniit ni Senador Juan Miguel Zubiri na ang pinakamagandang long term solution para mapababa ang presyo ng bigas sa bansa ay ang pagbibigay ng tulong sa mga magsasaka.
ito ang rekasyon ng senador nang matanong tungkol sa pagdedeklara ng Department of Agriculture (DA) ng food security emergency para mailabas ng NFA ang stock nilang bigas.
Binigyang diin ni Zubiri na kailangang maging rice self sufficient ang Pilipinas at hindi umasa lang sa importasyon.
Aniya, kung magpapatuloy kasi ang pagdepende ng bansa sa importasyon ay maaaring kalaunan ay hindi na magtanim ng bigas ang mga magsasaka sa iba’t ibang probinsya sa bansa dahil malulugi lang sila.
Dapat aniyang ituring lang na last option ang pag-aangkat ng anumang produktong pang agrikultura at gawin lang ito kapag makikitang kulang ang inaning palay ng ating mga magsasaka.
Tingin rin ng senador, umiiral pa rin ang rice cartel sa bansa dahil mahirap aniyang maunawaan na napakababa ng bili sa produktong palay ng mga magsasaka gayundin ng mga inaangkat na bigas pero napakamahal pa rin ng bentahan nito pagdating sa mga pamilihan.
Paalala ni Zubiri, batas na ang anti agricultural smuggling act na nagpapataw ng parusa sa mga cartel, hoarder, at iba pang magmamanipula ng presyo ng mga produktong pang-agrikultura at dapat na itong ganap, at epektibong ipatupad. | ulat ni Nimfa Asuncion