Kumpiyansa si Senador Joel Villanueva na maipapasa nila sa Senado ang panukalang franchise renewal ng Manila Electric Company (Meralco) bago matapos ang 19th Congress.
Sa ilalim ng panukala, dadagdagan ng 25 years ang prangkisa ng Meralco matapos itong mapaso sa taong 2028.
Ayon kay Villanueva, na siyang nagdedepensa ng Meralco franchise sa Senado, wala naman siyang nakikitang balakid sa pagpapasa ng panukala dahil nakakatugon naman ang kumpanya sa mga kondisyon at international standards ng mga power distribution utilities.
Makatwiran rin naman aniya ang power rates nito batay sa report ng international energy consultants, isang energy consulting firm sa iba’t ibang mga bansa.
Pinanghahawakan rin ng senador ang commitment ng Meralco na magbubuhos ng ₱24 billion ngayong taon para mapahusay ang serbisyo nito, kasama na ang pagpapalit at pagdadagdag ng mga poste ng kuryente.
Binigyang-diin rin ng mambabatas ang mahalagang papel ng Meralco sa pagtitiyak ng seguridad ng bansa at wala rin naman aniyang ibang pwede at handang pumalit sa Meralco kung sakali. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion