Dalawang linggo nang binabantayan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang ilegal na operasyon ng Chinese Coast Guard vessel 5901 sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.
Ayon sa post sa social media na X ni Commodore Jay Tariella, tagapagsalita ng PCG para sa West Philippine Sea, ang naturang barko ng China ay namataan na nag-ooperate sa layong 60-70 nautical miles mula sa baybayin ng Zambales.
Sa kabila ng paulit-ulit na radio communications mula sa BRP Gabriela Silang ng PCG, nananatiling matigas ang posisyon ng Chinese vessel at patuloy ang ilegal nitong aktibidad.
Giit ng PCG, malinaw na lumalabag ang barko ng China sa Philippine Maritime Zones Act, United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS, at 2016 Arbitral Award na nagtatakda ng karapatan ng Pilipinas sa nasabing karagatan.
Tiniyak ng PCG na hindi ito magpapabaya sa pagbabantay at pagtatanggol sa teritoryo ng bansa. | ulat ni EJ Lazaro