Isang malaking tagumpay para sa Pilipinas ang naging partisipasyon ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA), sa Consumer Electronics Show o CES 2025, na ginanap sa Las Vegas, Nevada.

Sa nasabing event, itinampok ng PEZA ang walong kumpanya mula sa semiconductor at electronics industry, na bahagi ng global value chain. Kabilang dito ang Ionics EMS, Inc., Integrated Micro-Electronics, Inc., at Tsukiden Electronics Philippines, Inc.

Sa pakikipagtulungan ng PEZA sa Department of Trade and Industry (DTI), Semiconductor and Electronics Industries in the Philippines Foundation, Inc. (SEIPI), at Center for International Trade Exhibitions and Missions (CITEM) naipakita sa CES 2025 ang world-class na kakayahan ng mga Pilipino sa larangan ng teknolohiya.

Bukod dito, tampok din sa Philippine pavilion ang 23 makabagong imbensyon mula sa Department of Science and Technology (DOST), na lalong nagpatibay sa reputasyon ng bansa bilang sentro ng inobasyon sa Asya.
Ang CES ay itinuturing na isa sa pinakamalaking tech trade shows sa buong mundo, na layong ipakita ang mga breakthrough technologies na tutugon sa mga global challenges. | ulat ni EJ Lazaro