Pinaalalahanan ng Philippine National Police (PNP) ang mga security agency na tiyaking nasusunod ng kanilang mga security guard ang ipinatutupad na Commission on Elections (Comelec) gun ban.
Ito ay matapos mahulihan ng armas ang ilang security guards.
Ayon kay PNP-PIO Chief Police Colonel Randulf Tuano, may mga security guard na nakakaligtaan ang gun ban at nauuwi pa nila ang kanilang service firearms. Karaniwan kasing iniiwan lang nila ang baril sa kanilang duty post para sa susunod na shift.
Ipinaliwanag ni PCol. Tuano, na kahit mga law enforcement officer ay kailangang may tamang pahintulot para magdala ng baril, alinsunod sa Comelec resolution.
Dagdag pa nito, may pananagutan din ang mga security agency sa ganitong insidente.
Maaari aniyang mawalan ng lisensya o maapektuhan ang kanilang accreditation kung mapatutunayang hindi nila nababantayan nang maayos ang kanilang mga tauhan. | ulat ni Diane Lear