Naging maganda ang performance ng Department of Justice (DOJ) sa tagumpay ng prosecution o pagpapapanagot ng pamahalaan sa mga lumabag sa batas nitong 2024.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni Justice Usec. Raul Vasquez na ang prosecution success rate na naitala ng DOJ sa pagtatapos ng 2024 ay pumalo sa 78%.
Mas mataas ito kumpara sa average na 26% noong bago pumasok ang Marcos Administration.
Sabi ng opisyal, bunsod ito ng implementasyon ng case build-up at mas mataas na ‘degree of proof’, kaya’t gumanda ang lahat ng mga pamamalakad at pagsugpo ng krimen.
Pagbibigay-diin ng opisyal, sila naman sa DOJ, hindi nakatuon para pahirapan ang sinuman sa kulungan.
“Ang number one na guidance natin, ang vision natin ay ang rule of law sa lahat. Ang pantay at parehas na pagsugpo ng kriminalidad, pag-implement ng ating mga batas regardless of your stature in life, of your financial situation, your social position of your influence, et cetera,” — Vasquez.
Ang tutok aniya nila, mahuli ang mga totoong kriminal, pantay na pagpapatupad ng batas, at pagsisiguro na ligtas ang mga inosente mula sa gastos at abala na maiidudulot ng paglilitis, dahil sa mga hindi seryosong reklamong ihahain sa korte.
“At iyan ay isang bagay na aming sinusundan; lahat iyan ay ginagawa namin ayon sa ebidensya lamang at hindi sa mga personalidad. At ang importante diyan ay it is actually to go after the true criminals and spare the innocents from useless and, I would say, expensive litigation and all the hassles of being held to court because of this frivolous complaints,” — Vasquez. | ulat ni Racquel Bayan