Nagpaalala si Senadora Grace Poe sa publiko na iwasan ang pag-access ng mga bank account at iba pang application o website na naglalaman ng sensitibong personal na impormasyon kapag naka-connect sa isang public free wifi space.
Ang panawagang ito ng senadora ay matapos ibahagi ni Senate Committee on Public Services chairman Senador Raffy Tulfo sa pagdinig ng kanyang kumite ang karanasan ng ilan nating kababayan na na-hack ang mismong mga cellphone matapos mag-connect sa free wifi ng mga mall.
Sa video na prinesenta sa pagdinig, pinakitang kahit na hindi hinahawakan ng may-ari ang kanyang cellphone ay kusa itong gumagalaw dahil na-access na ito ng hacker mula sa malayo.
Sa isang pagkakataon, nabuksan pa ang kanyang camera at nabago ng hacker ang kanyang face ID.
Kinumpirma naman ng DICT sa publiko na hindi ligtas ang mga free public wifi dahil lahat ay pwedeng mag-connect dito, kabilang na ang mga hacker. | ulat ni Nimfa Asuncion