Kinalampag ni Senate Committee on Public Service Chairperson Senador Raffy Tulfo ang mga kinauukulang ahensya ng gobyerno na tiyaking matutugunan ang mga isyu sa internet service sa Pilipinas.
Para matugunan ang reklamo tungkol sa mahinang signal sa loob ng mga mall at iba pang establisyimento, iminungkahi ni Tulfo sa National Telecommunications Commission (NTC) na mahigpit na i-monitor ang mga mall sa buong bansa.
Pinasusumite ng senador ang NTC ng report at plan of action sa January 20.
Dapat rin aniyang makipagtulungan ang NTC sa Philippine Competition Commission, para mapanagot ang mga telecommunication company na lumalabag sa batas.
Pinakikilos rin ng mambabatas ang Department of Information and Communications Technology (DICT), at sinabihang dapat tiyakin ang seguridad ng mga free public WiFi space sa buong Pilipinas.
Umapela rin si Tulfo sa Department of the Interior and Local Government (DILG), na silipin ang hinaing ng mga telco tungkol sa hirap na pag-apply ng permit sa mga lokal na pamahalaan para makapagpatayo ng mga cellular tower, lalo na sa mga probinsya. | ulat ni Nimfa Asuncion
Photo: Senate of the Philippines