Hindi rin pabor si Senador Juan Miguel Zubiri sa Senate Bill 1979 o ang Prevention of Adolescent Pregnancy Bill bilang isang konserbatibong mambabatas.
Tutol aniya ang senador sa mga probisyon ng panukala na magtatakdang ituro sa mga bata ang mga paksa tungkol sa sexuality at sex education.
Para kay Zubiri, magtataguyod lang ito ng sexual experimentation sa mga bata.
Sinabi ng mambabatas na maituturing pa ring isang conservative country ang Pilipinas, at nais niyang manatiling ganito ang bansa.
Pinunto rin ni Zubiri ang ilan sa mga probisyong tinututulan niya sa SB 1979 gaya na lang ng pagsunod sa comprehensive sexuality education na itinatakda ng UN at EU kung saan ituturo na ito sa mga batang edad 6-8 years old.
Pangamba ng senador, kung sa murang edad pa lang ay ituturo na ito sa mga bata ay maaaring imbes na mabawasan o mapigilan ang teenage prenancy ay mas dumami pa ito dahil mas magiging mulat ang isip nila.
Bukas naman aniya siyang maipasa pa rin ang panukala basta limitahan lang ang nilalaman nito sa teenage pregnancy healthcare, pagbibigay ng tamang hospitalization at gamot sa mga kabataang nabubuntis, pero dapat walang nakasaad na abortion o sex education. | ulat ni Nimfa Asuncion