Binuksan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang pinakabagong Technical Vocational Education and Training (TVET) Innovation center sa Region IX.
Ayon sa TESDA, bahagi ito ng modernisasyon ng TVET Sector sa bansa.
Pinangunahan ni TESDA Director General, Secretary Jose Francisco “Kiko” B. Benitez ang inagurasyon ng P40-million Regional TVET Innovation Center sa Kabasalan, Zamboanga Sibugay, nitong Enero 9, 2025.
Ang naturang cutting-edge facility ay naglalayon na magbigay ng world-class technical at vocational education, para mapalakas ang mga residente sa lugar at paglago ng ekonomiya sa rehiyon.
Ang TVET Innovation Center ay may state-of-the-art machine at computer numerical control (CNC) technologies.
Ang advanced facilities na ito ay dinisenyo para makapagbigay ng hands on training na nakabase sa industry demands at ng isang tiyak na steady pipeline ng highly skilled professionals, na may kakayahang magampanan ang pangangailangan ng modern manufacturing at production sectors.
Giit ni Secretary Benitez, ang pag-invest sa advanced training facilities ay isang solidong hakbang ng bansa para sa maayos na workforce development strategies kasabay ng nagbabagong pangangailangan ng global economy. | ulat ni Lorenz Tanjoco