Pinakokonsidera ni Senate Committee on Migrant Workers Chairman Senador Raffy Tulfo sa gobyerno ang pagpapatupad ng deployment ban ng mga domestic workers sa Kuwait.
Sa pagdinig sa Senado, binigyang diin ni Tulfo na hindi naman ang mga OFW ang problema kundi ang mga employer kaya nagkakaroon pa rin ng mga kaso ng mga kababayan nating naaabuso at napapaslang doon.
Ayon naman kay Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, sa ngayon ay walang ipinatutupad na total deployment ban ang ating bansa ng mga OFWs sa Kuwait.
Paliwanag ni Cacdac, mula noong napatay ang kababayan na si Julibee Ranara noong 2023 ay ipinataw ni dating DMW Secretary Toots Ople ang deferment o pagbabawal na magpadala ng mga first time OFWs sa Kuwait pero tuloy-tuloy naman ang pagpapadala ng mga dati nang nagtatrabaho sa Kuwait.
Humiling naman ang kalihim na bigyan siya ng isang linggo para pag-aralan ang mungkahing deployment ban. | ulat ni Nimfa Asuncion