Handa ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na palawakin pa ang kauna-unahang food bank sa bansa na ‘Walang Gutom’ Kitchen.
Ayon kay DSWD Social Technology Bureau OIC-Division Chief Jason Oabel, pinag-aaralan na rin ang pagdagdag ng lokasyon ng Walang Gutom Kitchen nang mas maraming benepisyaryo ang makinabang rito.
Kasama sa ikinokonsidera ang pagbubukas ng soup kitchen sa ibang highly mobilized cities sa National Capital Region at gayundin ang pagde-deploy ng mga mobile kitchen.
Target din na mapalawak ng DSWD ang partnership nito sa pribadong sektor at mahikayat ang mas maraming volunteers.
Ayon kay Oabel, matapos ang pilot rollout ng programa ay sasailalim ito sa assessment sa Marso at posibleng sa ikalawang bahagi ng taon ang magiging expansion.
Sa kasalukuyan, nasa higit 12,000 nang indibidwal ang nakinabang sa Walang Gutom Kitchen na nagbibigay ng libreng almusal at tanghalian sa sinumang nakararanas ng gutom.
Kaugnay nito, muling tiniyak ng DSWD na malinis at ligtas ang pagkaing inihahain sa Walang Gutom Kitchen sa Nasdake Building sa Pasay City.
Ayon sa DSWD, mahigpit na ipinapatupad ang “first in, first out” system sa Walang Gutom Kitchen upang masiguro na ang mga donasyong pagkain mula sa mga private sector-partners ay maihain ng maayos sa mga kliyente nito na nagtutungo sa nasabing food kitchen. | ulat ni Merry Ann Bastasa